Add to favourites
News Local and Global in your language
19th of April 2018

Philippines



Natatanging Progresibo ng 2015 – Pinoy Weekly

Siksik sa pangyayari at drama ang taong 2015 para sa mga nagtutulak ng panlipunang pagbabago. Katunayan, halos buwanan nang may malaking pangyayari na nilahukan ng mga mamamayan. Pansinin na lang ang inisyal na lista ng mga pangyayari at isyu na sumiklab sa bawat buwan: Enero, bumisita si Santo Papa; Pebrero, nangyari ang madugong engkuwentro sa Mamsapano; Marso, muling nilunsad ng AFP ang giyera kontra sa BIFF; Abril, napigilan ng sambayanan ang pagbitay kay Mary Jane Veloso; Mayo, naganap ang sunog sa pabrika ng Kentex at pumutok ang welga sa Tanduay; Hunyo, pag-igting ng girian sa West Philippine Sea; Hulyo, huling State of the Nation Address o SONA ni Aquino at pagpaslang kay Kumander Parago at kasamahan niya; Agosto, kontrobersiyal na utos ni Aquino na inspeksiyunin ang balikbayan boxes sa NAIA, samantala’y nagprotesta ang laksa-laksang miyembro ng Iglesia ni Cristo dahil sa diumano’y panggigipit sa kanila ng Department of Justice; Setyembre, lalong pag-igting ng pamamaslang sa mga Lumad at militarisasyon sa kanilang mga komunidad matapos paslangin sina Emok Samarca, Dionel Campos at Juvello Sinzo sa Lianga, Surigao del Sur; Oktubre, paglunsad ng Manilakbayan ng Mindanao ng mga biktima ng militarisasyon at pangangamkam sa Mindanao; Nobyembre, paglunsad ng mga protesta kontra sa Asia-Pacific Economic Cooperation; Disyembre, paghusgang maysala si US Marine Lance Corp. Joseph Scott Pemberton sa pagpaslang kay Jennifer Laude. Para sa mga naghahangad ng panlipunang pagbabago, nasaksihan din nitong nakaraang taon ang lalong paggamit ng social media bilang katuwang ng tradisyunal na mga porma ng paghihimok sa publiko na kumilos. Nariyan ang mabilis na pagkuha ng simpatiya sa publiko sa kaso ni Mary Jane Veloso (bagamat ginamit din ang social media para siraan ang pamilyang Veloso nang maghayag ito ng disgusto sa administrasyong Aquino). Nariyan din ang paghahayag sa Facebook at Twitter ng alternatibong naratibo ng insidente sa Mamasapano (kasama ang pagbunyag na may sundalong Amerikano na kalahok at nasawi sa engkuwentro). At siyempre, dahil madalang ang coverage ng tradisyunal at dominanteng midya sa militarisasyon sa mga komunidad ng Lumad sa Mindanao, matagumpay na ginamit ng mga progresibo ang social media para makuha ang simpatiya ng publiko sa dinaranas na pandarahas sa mga Lumad. Kaya, heto ang listahan ngayong taon: ang munti naming pagkilala sa mga tagumpay ng progresibong mga puwersa sa taong 2015. Dulo ng paglalakbay ng mga Lumad, mula Mindanao hanggang UP Diliman. <b>KR Guda</b>

Dulo ng paglalakbay ng mga Lumad, mula Mindanao hanggang UP Diliman. KR Guda

Natatanging Progresibong Pagkilos

Walang duda, gumuhit sa kamalayan ng madla ang Manilakbayan ng Mindanao, o ang paglakbay ng mahigit 800 Lumad at iba pang Mindanaoan mula sa kanilang mga komunidad patungong Maynila mula Oktubre hanggang Nobyembre ngayong taon. Maraming taon na ring umiigting ang militarisasyon sa Mindanao, lalo na ang pagpakat ng halos 60 porsiyento ng armadong puwersa ng gobyerno sa buong isla. Pero napansin ng mas nakararaming madla ang isyu matapos lumikas mula sa kanilang mga tahanan ang mahigit 3,000 Lumad sa Lianga, Surigao del Sur matapos paslangin ng grupong paramilitar na Magahat-Bagani ang ehekutibo ng alternative school na Alcadev sa Sitio Han-ayan na si Emerito Samarca, gayundin sina Juvello Sinzo at Dionel Campos noong Setyembre 1.

Pangatlo sa loob ng apat na taon na naganap ang Manilakbayan ng Mindanao, pero nasaksihan ngayong taon ang may pinakamalaking suporta mula sa iba’t ibang sektor. Katangi-tangi ang paggamit ng kampanyang #StopLumadKillings sa social media para umabot sa higit na mas maraming bilang ng mga mamamayan. Pagdating sa Maynila ng mga delegado ng Manilakbayan, tinanggap sila ng komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Quezon City para doon magkampo. Tinanggap din sila sa Lungsod ng Maynila (bagamat binawasan ang araw ng permiso dahil sa papalapit na Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC Economic Leaders’ Meeting). Nakatanggap din ang Manilakbayan ng suporta mula sa Simbahang Katoliko, kabilang ang pagkupkop ng mga Lumad sa Simbahan ng Baclaran matapos mabawian ng permiso sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Bumisita rin si Luis Antonio Cardinal Tagle sa kampuhan ng mga Lumad noong nasa Liwasang Bonifacio pa ito.

Nakatanggap din ng suporta ang Manilakbayan sa iba’t ibang institusyon, mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) hanggang sa celebrities tulad nina Angel Locsin, Luis Manzano, Aiza Seguerra, mga musikero ng Lapis, at marami pang iba. Sa kabuuan, bagamat hindi pa hayagang napapaalis ang mga militar sa mga komunidad at paaralan ng mga Lumad sa Surigao del Sur, Bukidnon, Davao City at iba pa, nagawa nitong ipakita ang kabangisan ng administrasyong Aquino at militar sa mga katutubong nagtatanggol sa kalikasan at karapatan nila sa lupang ninuno. Ipinakita rin nito ang kagustuhan ng administrasyong Aquino na isakripisyo ang lupaing ninuno na ito para sa dambuhalang kita ng multinasyunal na mga korporasyon ng mina at agro-industriya.

Honorable Mentions: Ayon sa mga ulat, mahigit 10,000 katao ang dumalo sa luksa-martsa sa Davao City noong Hulyo 10 para sa maalamat na pulang kumander ng New People’s Army na si Leoncio “Ka Parago” Pitao na pinaslang ng militar kasama ang kanyang medic. Dambuhala rin ang protesta ng iba’t ibang organisasyon ng mga mamamayan sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino. Muling ginamitan ng dahas ng Estado ang naturang pagkilos, habang mapangahas namang inirehistro ng progresibong mga mambabatas ang protestang ito sa loob ng mismong Kamara. Samantala, naging mapagpasya naman ang malapad na kampanya at pagkilos na vigil ng Migrante International at iba pang grupo sa harap ng embahada ng Indonesia para ipresyur ang gobyernong Indones at Pilipino na itigil ang noo’y nakatakdang pagbitay kay Mary Jane Veloso noong Abril 29. Umabot din ng mahigit 10,000 ang protesta sa Tacloban City sa paggunita ng People Surge ng ikalawang taon matapos ang pagragasa ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas. Sustenidong nakapagpakilos naman ang kilusang guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers ng kampanya para sa dagdag-sahod at benepisyo. Pinakatampok dito ang paglahok ng libu-libong kaguruan sa buong bansa sa Teachers’ Strike noong Pebrero, Nobyembre at Disyembre.

Migrante International, tampok sa pamumuno sa pakikibaka para sa karapatan at kapakanan ng mga OFW . <b>Pher Pasion</b>

Migrante International, tampok sa pamumuno sa pakikibaka para sa karapatan at kapakanan ng mga OFW . Pher Pasion

Natatanging Progresibong Organisasyong Masa

Kahanga-hanga ang pamumuno ng Migrante International at Migrante Party-list sa kampanya para mapigil ang pagbitay kay Mary Jane Veloso. Marso noong malaman ng organisasyon ang kaso ni Mary Jane, agad na hinanap nito ang pamilyang Veloso sa Nueva Ecija, at inialok ang serbisyo ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) para kay Mary Jane. Agad din itong tumakbo ng Indonesia, para kausapin ang Indones na legal team ni Mary Jane. Doon nakita ng grupo at ng pamilyang Veloso ang matagal nang pagpapabaya ng mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa kaso ni Mary Jane. Pinakilos ng Migrante ang lahat ng network nito sa buong mundo para maglunsad ng isang internasyunal na kampanya para ipresyur si Indonesian Pres. Joko Widodo at Pangulong Aquino na kumilos sa kaso. Sa huling sandali, nakatuwang ng pamilyang Veloso ang mga progresibong grupong Indones para maabot si Widodo at mahikayat siyang itigil ang pagbitay kay Mary Jane. Pati ang pag-uusig sa illegal recruiter ni Mary Jane ay masugid na kinampanya ng Migrante at NUPL, kasama ang pamilyang Veloso.

Pero hindi lang sa kasong Veloso naging aktibo ang Migrante. Sa harap ng dumaraming kaso ng human trafficking sa mga Pilipino sa ibang bansa, naglunsad ito ng kampanyang kontra-human trafficking. Isa sa pinakamaingay din ito sa isyu ng pagbubukas sa NAIA ng balikbayan boxes, at siyempre sa isyu ng #TanimBala o pagtatanim ng bala sa luggages ng mga papaalis na OFWs at dayuhang bisita. Kinampanya rin ng Migrante ang iba pang kaso ng mga Pilipino na nasa death row sa ibang bansa, gayundin ang penomenon ng mysterious deaths o misteryosong namamatay na mga Pilipino sa ibang bansa.

Honorable Mentions: Sa kabila ng mistulang media blackout sa mga nagaganap sa Hacienda Luisita at iba pang kinakamkam na mga lupaing agrikultural, naging aktibo ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pangangampanya sa publiko at maging sa social media. Nanguna naman ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pangangampanya sa samu’t saring pampulitikang laban ng mga manggagawa, mula sa welga ng mga manggagawa sa Tanduay Distillery, hanggang sa laban para sa hustisya sa mga biktima ng sunog sa Kentex, hanggang sa kampanya kontra kontraktuwalisasyon at para sa P125 dagdag-sahod at pambansang minimum wage. Mainam ding kilalanin ang tagumpay na nakamit ng Pentagon Steel Workers’ Union sa kanilang tatlong-taong welga, para sa kanilang benepisyo at kagalingan.

Neri Colmenares, lider ng Makabayan at kandidato sa pagkasenador ngayong darating na halalan. <b>Pher Pasion</b>

Neri Colmenares, lider ng Makabayan at kandidato sa pagkasenador ngayong darating na halalan. Pher Pasion

Natatanging Progresibong Lider-Masa

Sa pangalawang sunod na taon, tumampok si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares bilang natatanging progresibong lider-masa, sa pag-ambag ng kanyang boses sa maiinit na kampanyang pampulitika tulad ng pampulitikang panunupil, militarisasyon sa mga Lumad, madugong engkuwentro sa Mamasapano, hanggang sa pagdagdag sa pensiyon ng Social Security System (SSS) pensioners, pagbatikos sa pagtaas ng singil sa MRT at LRT, at marami pang iba. Sa kanyang malumanay na pamamaraan, ginamit ni Colmenares ang entablado ng Kamara at pagtakbo sa pagkasenador sa eleksiyong 2016 para ipagtanggol ang kapakanan ng mga mamamayang ineetsa-puwera sa kasalukuyang sistema at administrasyon.

Honorable Mentions: Epektibong kinatawan nina Garry Martinez at Sol Pillas ang interes ng mga migranteng Pilipino sa samu’t saring isyung kinaharap nitong huling taon ng naturang sektor. Samantala, muling tumampok sa publiko ang boses nina Vencer Crisostomo ng Anakbayan, Joms Salvador ng Gabriela at Renato Reyes Jr. ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa samu’t saring isyung pampulitika, mula sa di-pagkulong kay US Marine Joseph Scott Pemberton hanggang sa mga pagtutol sa neoliberal na ekonomiks na itiutulak ng APEC Summit noong Oktubre.

Liza Maza (kanan) at dating senador Leticia Ramos-Shahani, namuno sa mga inisyatiba ng P1nas. <b>Pher Pasion</b>

Liza Maza (kanan) at dating senador Leticia Ramos-Shahani, namuno sa mga inisyatiba ng P1nas. Pher Pasion

Natatanging Progresibong Alyansa o Koalisyon

Mahusay na napamunuan ng Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (P1nas) ang kampanya para pagkaisahin ang mga puwersang pampulitika na tutol sa panghihimasok ng China sa karagatang pag-aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea, habang tinututulan din ang panunumbalik ng baseng militar ng US dahil sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Kaiba sa posisyon ng administrasyong Aquino na tila ginagamit ang Chinese incusions para bigyan-katwiran ang panghihimasok ng tropang militar ng US sa bansa, inilinaw ng P1nas na bahagi ng laban para sa pambansang soberanya ang magkasabay na pagtutol sa panghihimasok ng China at US sa bansa. Bukod sa paglunsad ng mga porum (ang isa, kinatampukan ni Supreme Court Justice Antonio Carpio), matagumpay ding nakapaglunsad ang P1nas ng malalaking pagkilos sa labas ng embahada ng China.

Honorable Mentions: Kahit huling kuwarto ng taon na naitatag, napapanahon ang pagtatag ng Network Resisting Expansion of Agricultural Plantations in Mindanao (REAP Mindanao Network) para palawakin ang kaalaman sa publiko hinggil sa paglaban sa paglawak ng operasyon ng mga plantasyong agrikultural (tulad ng pineapple, palm oil at rubber plantations). At siyempre, malawak ang inabot ng kampanya ng #StopLumadKillings Network para mapalahok ang pinakaraming bilang ng mga mamamayan sa pagpresyur sa administrasyong Aquino na itigil ang pamamaslang sa mga lider-Lumad, gayundin ang militarisasyon sa mga komunidad at paaralan ng mga Lumad. Partikular sa kampanya kontra sa panghihimasok ng mga militar sa mga eskuwelahang Lumad, tumampok din ang Save Our Schools (SOS) Network para ipalaganap ang kaalaman sa publiko hinggil sa kahalagahan ng mga alternatibong eskuwelahan ng mga Lumad at iba pang katutubo at mardyinalisadong mga mamamayan.

Masugid na kinampanya ng iba't ibang grupo ang hustisya para sa pagpaslang kay Jennifer Laude. <b>Pher Pasion</b>

Masugid na kinampanya ng iba’t ibang grupo ang hustisya para sa pagpaslang kay Jennifer Laude. Pher Pasion

Natatanging Progresibong Desisyon, Polisiya o Rekomendasyon (sa loob) ng Gobyerno

Sa kabila ng presyur ng administrasyong Aquino at mismong gobyerno ng US, matapang na naglabas ng desisyon noong Disyembre 1 ang Branch 74 ng Olongapo City Regional Trial Court na nagdeklarang maysala sa kasong homicide ang US Marine na si Lance Corp. Joseph Scott Pemberton sa pagpatay sa Pilipinang transgender na si Jennifer Laude noong nakaraang taon. Bagamat mas mainam pa sana kung kasong murder ang inayunan ng hukom na si Judge Roline Gines-Jabalde sa pagpaslang ni Pemberton kay Laude, katangi-tangi pa rin ang desisyon ni Gines-Jabalde, lalo pa’t inutos niya ang pagpapakulong kay Pemberton sa National Bilibid Prisons habang di pa napagkakasunduan ng gobyernong US at Pilipinas ang pinal na kulungan ng sundalong Kano sang-ayon sa PH-US Visiting Forces Agreement (nagpapatunay sa di-pantay na katangian ng relasyong US at Pilipinas). Gayunman, hindi ito pinatupad ng Department of Justice, na pumayag na muling “ikulong” si Pemberton sa loob ng Kampo Aguinaldo. Masasabing nahimok si Gines-Jabalde na magdesisyon pabor sa pamilyang Laude sa tulong na rin ng pangangampanya ng mga grupong progresibo.

Sen. Grace Poe, noong nagdeklara siya na tatakbong pangulo. <b>Jaze Muring Marco</b>

Sen. Grace Poe, noong nagdeklara siya na tatakbong pangulo. Jaze Muring Marco

Natatanging Progresibong Opisyal ng Gobyerno (Ehekutibo o Lehislatibo)

Progresibo at maka-mamamayan ang nilalaman ng plataporma nina Sen. Grace Poe at Sen. Francis Escudero III sa kanilang pagtakbo sa pagkapangulo at bise-presidente (sa magkasunod). Batay ang plataporma ito sa ilang rekomendasyon ng Koalisyong Makabayan. Kabilang sa progresibong nilalaman ng plataporma nina Poe at Escudero ang paglaban sa kontraktuwalisasyon sa paggawa, dagdag-sahod at benepisyo sa mga manggagawa at empleyado, suporta sa mga serbisyong panlipunan, at iba pa. May ilang bahagi ito na masasabing mahina, tulad ng di-tiyak na posisyon sa tunay na reporma sa lupa, Public-Private Partnerships, presensiya ng tropang militar ng US sa bansa, at iba pa. Gayunman, maituturing na pinakaprogresibo na itong platapormang ito, ayon sa Makabayan. Ibang usapin pa, siyempre, ang pagpapatupad ng platapormang ito kung sakaling mapagtagumpayan man ni Poe ang mga kasong diskuwalipikasyon laban sa kanya sa Comelec at Korte Suprema. Samantala, may track record din si Escudero at Poe na pagtindig para sa progresibong mga posisyon: si Poe, matapang na inimbestigahan ang pananagutan ni Aquino sa insidente sa Mamasapano; si Escudero, matagal nang nakasangga ng Makabayan sa maraming isyu, kahit noong paglaban sa nakaraang rehimeng Arroyo.

Honorable Mention: Natatangi rin ang mga deklarasyon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na pabor sa progresibong mga posisyon, tulad ng pagbasura sa kontraktuwalisasyon sa paggawa, paglutas sa malawakang korupisyon sa gobyerno, pagsuporta sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo, at pagtutol sa tropang militar ng US sa bansa. Gayunman, pinuna na ng Karapatan ang mga deklarasyon ni Duterte pabor sa ekstrahudisyal na mga pamamaslang, gayundin ng Gabriela sa pag-amin ng alkade na mayrooon siyang karelasyong mga babae maliban sa asawa.

Facebook page ng Kilab Multimedia (www.facebook.com/kilab.smr)

Facebook page ng Kilab Multimedia (www.facebook.com/kilab.smr)

Natatanging Progresibong Midya

Kahanga-hangga ang naging trabaho ng Kilab Multimedia sa pagsasadokumento sa umiigting na militarisasyon sa Mindanao. Tampok sa kanilang mahusay na dokumentasyon at pamamahayag ang pagkober sa standoff sa UCCP Haran sa Davao City, kung saan nagbakwit ang daan-daang Lumad mula Talaingod, Davao del Norte at iba pang lugar. Tinangkang hakutin ng pulisya, sa panunulsol ni Rep. Nancy Catamco ang mga Lumad, pero nanindigan ang huli na manatili sa Haran. Eksklusibong kinober ng Kilab ang paggamit ng pulisya ng karahasan sa mga Lumad na bakwit. Matapos ang pagbakwit ng mga Lumad sa Lianga, Surigao del Sur, tinungo naman ng mga mamamahayag ng Kilab ang ebakwasyon doon at ikinuwento ang malagim na pamamaslang sa mga lider-Lumad ng mga tropang militar at paramilitar.

Inday Espina-Varona. (Mula sa Facebook post ni Mae Paner)

Inday Espina-Varona. (Mula sa Facebook post ni Mae Paner)

Samantala, kahanga-hanga rin ang tuluy-tuloy at matapang na pagsusulat ni Inday Espina-Varona hinggil sa isyu ng mga Lumad. Sa pamamagitan ng kanyang espasyo sa ABS-CBN News Online, pana-panahong nilantad ni Espina-Varona ang tusong mga taktika ng militar para linlangin ang publiko. Isa siya sa mga naglantad sa spin ng AFP sa mga pahayag ni United Nations Rapporteur Chaloka Beyani hinggil sa mga Lumad ng UCCP Haran. At nang mangyari ang pamamaslang sa Lianga, walang-puknat din niyang sinulat ang mga kuwento ng mga Lumad at mga dahilan kung bakit sinasakop ng militar ang kanilang mga lupain. Dahil dito, ilang beses siyang naging biktima ng red-baiting ng militar.

Sina Tess Dioquino (kaliwa) at Tao Aves bilang Nanay Mameng. (Mula sa Facebook page ng Nanay Mameng)

Sina Tess Dioquino (kaliwa) at Tao Aves bilang Nanay Mameng. (Mula sa Facebook page ng Nanay Mameng)

Natatanging Progresibong Pagtatanghal

Bagong bersiyon ng Nanay Mameng ang itinanghal ng Sining Kadamay at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) nitong Pebrero 2015. Kuwento pa rin ng dakilang lider-maralita na si Carmen “Nanay Mameng” Deunida ang inspirasyon sa bagong bersiyon. Gayunman, mas malikhaing nagamit nito ang iba’t ibang device sa teatro para maipamalas ang transpormasyon ni Nanay Mameng bilang magiting na lider-maralita. Samantala, huli man ang pagdiwang, mahalaga pa rin ang paglunsad ng progresibong mga grupo ng kabataan ng musical performance na Kabataang Makabayan: Paglingkuran ang Sambayanan! na idinaos sa UP Theater noong Enero 30. Sa paraan ng pag-awit at pagtatanghal, ikinuwento nito ang kasaysayan ng KM, mula sa pagtatag nito noong Nobyembre 30, 1964 hanggang Batas Militar at pagkatapos nito, hanggang sa kasalukuyan.

Honorable Mentions: Dinumog ng mga estudyanteng manonood ang pagtatanghal ng Tag-ani Performing Arts Society na Ang mga Nag-uusig (batay sa isang kabanata sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal) at Mabuhay ang Bagong Kasal (mula sa A Respectable Wedding ni Bertolt Brecht). Kahanga-hanga rin at napapanahon ang pagtatanghal ng Tanghalang Pilipino ng steampunk opera na Mabining Mandirigma sa Cultural Center of the Philippines. Tungkol ito siyempre sa anti-imperyalistang intelektuwal ng Katipunan at bagong gobyerno ni Aguinaldo na si Apolinario Mabini.

Eksena sa Heneral Luna, dinirehe ni Jerrold Tarog.

Eksena sa Heneral Luna, dinirehe ni Jerrold Tarog.

Natatanging Progresibong Pelikula o Bidyo

Walang duda na pinukaw ng pelikulang Heneral Luna (dinirehe ni Jerrold Tarog) ang interes at kaisipan ng publiko, lalo na ng kabataan. Mahusay na kombinasyon ng katatawanan, hirit (o hugot?), drama, at kabuluhan (“Parang gobyerno natin ngayon ang gobyerno ni Aguinaldo!”) na patok sa henerasyong millennial ang naging susi para epektibong maikuwento ang isang mahalagang bahagi sa buhay ng isang anti-imperyalista at rebolusyonaryong taktisyan na si Antonio Luna. Bonus na lang na pinauso rin nito ang pagmumura ng “punyeta” sa kasalukuyang administrasyon at mga pulitiko, at ang muling pagpapauso ng panawagang pumili sa pagitan ng “Bayan o Sarili” at “Bayan o Negosyo”. May malinaw na sagot ang isang progresibong grupong party-list: Bayan Muna.

Honorable Mentions: Napapanahon ang paggawa ng Pakot, isang short narrative film ng progresibong mga filmmaker sa Davao City. Pinaksa nito ang mainit na isyu ng militarisasyon sa mga komunidad ng mga Lumad sa Mindanao. Pakikiisa sa pakikibaka ng Lumad naman ang paksa ng dalawang music videos ngayong taon: ang Mindanaw, na dinirehe ni King Catoy ng Altermidya at kinatampukan ng mga musikerong tulad nina Gary Granada, Popong Landero, Lolita Carbon, Bayang Barrios, Cookie Chua, Maan Chua, Pol Torrente, Brownman Revival, Blkd, Gloc-9, Onie Badiang at mga Lumad. Dinirehe naman ni Carlos Siguion-Reyna ang Salugpongan. Samantala, nasaksihan natin ngayong taon ang muling paglikha ni Jun Robles Lana ng mahusay na pelikulang makabuluhan at batbat ng drama na Anino sa Likod ng Buwan. Ginanap ang istorya sa kanayunan ng Cagayan Valley noong maagang bahagi ng dekada ’90, panahon ng matinding giyera kontra-insurhensiya sa naturang lugar. Di man kinilala ng Metro Manila Film Festival ang pagiging Best Picture nito, kailangan pa ring kilalanin ang Honor Thy Father (dinierehe ni Erik Matti) sa probokatibong tema nito hinggil sa korupsiyon sa lipunan at kawalang hustisya.

Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagtitipon

Makasaysayan ang ikalimang pandaigdigang asembleya ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na ginanap sa Quezon City nitong Nobyembre. Ibayong pagpapalakas sa kilusang kontra-imperyalista sa buong mundo ang pakay ng naturang asembleya, na kinalahukan ng mas maraming delegado, kasama ang mga kinatawan ng kilusan ng mga mamamayan sa Latina Amerika at Gitnang Silangan, partikular ng bansang Palestine. Tampok din ang keynote addresses nina Cynthia McKinney (progresibong mambabatas mula Estados Unidos) at Leila Khaled (iconic na progresibong lider ng mga mamamayang Palestino). Samantala, nabuo rin sa panahong ito ang pangalawang People’s Campaign Against APEC and Imperialist Globalization (PCAIG). Unang isinagawa noong 1996 na panahon ng APEC Summit din sa Maynila, kinatampukan ito ng mga pagkilos kontra sa APEC Summit, hindi lang ng mga Pilipinong aktibista, kundi pati ng pandaigdigang mga aktibista.

Honorary Mentions: Isinagawa sa Washington DC ang International People’s Tribunal, ang pag-uusig kontra kina US President Barack Obama at Pangulong Aquino dahil sa mga krimen sa mga mamamayang Pilipino. Isang pampublikong pagtitipon na may layuning maipalaganap sa madla ng mundo ang pagkakasangkot ng gobyerno ng US at Pilipinas sa ibayong paghihirap ng mga Pilipino. Samantala, Nobyembre rin isinagawa ang mga asembleya ng International Women’s Alliance (kung saan nagsilbi ring keynote speaker si Khaled) at International Migrants’ Alliance. Noong Hulyo, matagumpay na inilunsad naman ang International People’s Conference on Mining na inisponsor ng Kalikasan at iba pang grupong maka-kalikasan. Pinagkaisa nito ang pandaigdigang paglaban sa paglawak ng mga mapanirang operasyon ng pagmimina sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Binasa ni Ate Guy ang mensahe niyang nananawagan ng pagbaba sa poder ni Pangulong Aquino, sa rali ng Migrante noong Marso 18. <b>KR Guda</b>

Binasa ni Ate Guy ang mensahe niyang nananawagan ng pagbaba sa poder ni Pangulong Aquino, sa rali ng Migrante noong Marso 18. KR Guda

Natatanging Progresibong Artista

Muli, iniambag ng tinaguriang Superstar na si Nora Aunor ang kanyang boses sa pagpapanawagan para sa pagbaba sa puwesto ni Pangulong Aquino noong Marso 18. Sa kanyang talumpati sa protestang inilunsad ng Migrante noon, malinaw na inilahad ni Aunor ang kanyang personal na batayan sa paghangad na wakasan na ang panunungkulan ni Aquino—dahil sa pagpapatuloy ng polisiya ng pag-angkat ng lakas-paggawa (labor export policy) at kawalang-aksiyon sa maraming kaso ng pagmamaltrato at pagpapahirap sa mga migranteng Pilipino.

Honorable Mentions: May ilang artista sa industriya ng show business at teatro ang nakilahok sa kampanyang #StopLumadKillings. Pero tampok sa kanila sina Monique Wilson (pero hindi lang siyempre isyu ng Lumad ang kinasasangkutan niya), Aiza Seguerra at ang kanyang asawang si Liza Dino, magkarelasyong Angel Locsin at Luis Manzano, magkapatid na Karl at Alex Medina, ang batikang aktres na si Maria Isabel Lopez, at si Maine “Yayadub” Mendoza ng Aldub phenomenon.

Bahagi ng magandang book cover ng "Recca: From Diliman to the Cordilleras" na dinisenyo ni Karl Castro

Book cover ng “Recca: From Diliman to the Cordilleras” na dinisenyo ni Karl Castro

Natatanging Progresibong Libro Bahagi ng pabalat ng librong "More Than A Red Warrior"

Bahagi ng pabalat ng librong “More Than A Red Warrior”

Malikhaing ikinuwento ng librong Recca: From Diliman to the Cordilleras ang buhay at pakikibaka ng rebolusyonaryong si Recca Monte, mula sa pagiging estudyante sa Manila Science High School at UP Diliman hanggang sa pagiging pulang mandirigma sa kabundukan ng Kordilyera, kung saan siya nagbuwis ng buhay. Sa huling bahagi naman ng taon, inilunsad ang librong More Than a Red Warrior: Arnold Jaramillo, Beloved Son of Abra. Kasama ni Recca ang lider-gerilya na si Arnold Jaramillo na pinaslang ng mga militar sa kabundukan ng Lacub, Abra noong Setyembre 2014. Sa huling libro, ang makulay na kuwento naman ni Jaramillo ang pinaksa at pinagpugayan.

Honorable Mentions: Inilabas ni Prop. Jose Maria Sison ang dalawang libro niya sa serye ng mga librong naglalaman ng kanyang mga sanaysay hinggil sa teorya at praktika ng pagrerebolusyon. Noong Hunyo, inilunsad sa Pilipinas at The Netherlands ang Continuing Struggle for National and Social Liberation. Nitong Disyembre naman, ang Crisis Generates Resistance. Samantala, inilunsad din ngayong taon ang makasaysayang graphic biography hinggil sa buhay at pakikibaka ni Luis Jalandoni na sinulat ni Ina Alleco Silverio na pinamagatang Luis Jalandoni: Revolutionary (An Illustrated Biography). Dinibuho ang naturang komiks ng iba’t ibang artista tulad nina Leonilo Doloricon, Renan Ortiz, Max Santiago, Enrico Maniago, Fernando Argosino, Mervin Malonzo, at Roberto Elias. Inilabas din ngayong taon ang koleksiyon ng mga tula ng dating bilanggong pulitikal na si Ericson Acosta na pinamagatang Mula Tarima Hanggang.

Natatanging Progresibong Sining-Biswal

Maraming sining-biswal na nalikha nitong nakaraang taon na naialay sa kampanya para itigil ang pandarahas sa mga mamamayang Lumad sa Mindanao. Pero nakuha ng mural na ito ang atensiyon namin: ang simpleng portraits nina Emerito Samarca, Dionel Campos at Juvello Sinzo—ang tatlong biktima ng pamamaslang sa Lianga noong Setyembre 1. Samantala, kahanga-hanga rin ang pagkuha ng progresibong mga pintor ng pagkakataong makapagpahayag ng progresibong mensahe sa eksibit ng University of the Philippines, the University of the Philippines Alumni Association at Araneta Center sa Gateway Mall na pinamagatang Sining Saysay: Philippine History in Art. Tampok dito ang likhang sining nina Leonilo Doloricon (tungkol sa kasaysayan ng Kilusang Paggawa sa bansa), Pablo Baen Santos, BenCab, at marami pang iba.

Honorable Mentions: Mahusay at kagimbalgimbal ang installation art ni Toym Imao hinggil sa desaparecidos sa Palma Hall ng UP Diliman noong Setyembre. Mainam na kilalanin din ang Lumad postcards na likha ng kabataang artista na si Ryan Alcarde.

Mga mambabatas ng Makabayan, pinamukha kay mismong Aquino ang tunay na hinaing ng sambayanang Pilipino, sa huling SONA ng Pangulo. <b>Boy Bagwis</b>

Mga mambabatas ng Makabayan, pinamukha kay mismong Aquino ang tunay na hinaing ng sambayanang Pilipino, sa huling SONA ng Pangulo. Boy Bagwis

Natatanging Progresibong Agaw-Eksena

Talagang inagaw ng mga mambabatas ng Koalisyong Makabayan (Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela Women’s Party, ACT Teachers at Kabataan) ang eksena sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino noong Hulyo. Sa pagtatapos ni Aquino ng talumpati niya, biglang tumindig ang pitong progresibong kongresista at tahimik na nagladlad ng de-telang plakard na naglalaman ng pinakamatinding pagkakasala ng kasalukuyang administrasyon sa mga mamamayan. Tulad ng inaasahan, umani ito ng batikos sa pinakasipsip na mga alyado ng Pangulo. Pero inihayag laman ng mga kongresista ng Makabayan ang matagal nang sinasabi ng sambayanang Pilipino. Tulad ng batang sumigaw sa emperador na wala siyang damit, inihayag lamang ng mga progresibong mambabatas ang nakikita at nararanasang katotohanan ng mga mamamayan sa ilalim ng panunungkulan ni Aquino.

parago-featured

In Memoriam: Anuman ang opinyon natin hinggil sa armadong pakikibaka na inilulunsad ngayon ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front, hindi pa rin maaaring tawaran ang pagkilala ng masang magsasaka sa Mindanao sa ambag ni Leoncio “Ka Parago” Pitao sa panlipunang pagbabago. Pinaslang siya ng militar sa isang reyd sa Davao City noong Hunyo. Pagpupugay din sa makabuluhang ambag ng manunulat at propagandista ng kilusang masa na si Gerry Albert Corpuz. Tinitingala at hinahangaang manunulat si Gerry na may magandang relasyon sa mga alagad ng dominanteng midya. Pinagpugayan din ng sambayanan ang makabuluhang ambag ni Sen. Joker Arroyo, batikang human rights lawyer noong panahon ng Batas Militar. Gayundin, pinagpugayan ng mga aktibistang beterano ng paglaban sa Batas Militar ang ambag ng mamamahayag at punong patnugot ng Philippine Daily Inquirer na si Letty Jimenez Magsanoc na pumanaw nitong Disyembre 24.

Read More




Leave A Comment

More News

Tempo - News in a Flash

Sun.Star RSS

Disclaimer and Notice:WorldProNews.com is not the owner of these news or any information published on this site.